Monday, December 12, 2016

Hindi ko alam.

Hindi ko alam kung dapat ko ba isulat ang mga ito rito. Hindi ko alam kung bakit ko ito ginagawa, kung bakit ako nagkakaganito, kung bakit ito ang mga nangyayari sa akin, kung bakit ako nahulog sa baba. Hindi ko alam kung dapat ito ba ang nararamdaman ko, o dahil para masabing may hugot ako sa mga sinusulat ko ngayon para makasabay sa agos ng nauusong pagsusulat na may hugot.

Hindi ko alam. Hindi ko talaga alam. Siguro ayoko lang mag-isip kaya sinasabi ko na lang na hindi ko alam.

Sa pagmulat ng mga mata kanina, naiisip ko na magsulat dito, na ibuhos ang lahat ng mga nararamdaman dito sapagkat sa mga nagdaang araw, hindi ako makasulat sa journal ko. Siguro kaya hindi ako makasulat doon kasi nararamdaman ko na baka mag-overthink lang ako. Pero naiisip ko na rin na kaartehan lang itong nangyayari sa akin, na kaya naiisip na kaartehan ito ay para tumigil na kaagad ang sarili sa pagdaramdam ng ganito, kahit na alam ko naman na may mali talaga sa akin ngayon, kaso hindi e. Wala akong magawa sa nararamdaman ko ngayon, tapos naguguluhan pa.

Grabe lang talaga e. Ang laki talaga ng inis ko sa sarili ko ngayon.

Akala ko buhay arki lang ang mga isusulat ko rito. Akala ko mame-maintain ko ang blog na ito sa pagkwento ng mga ganap sa buhay arki na nararanasan ko. Akala ko talaga magiging active itong blog. Kaso hindi e. Ang daming factors kung bakit hindi ko maayos na naipatakbo itong blog na ito. Sa pagsusulat ko nito, mas nalulungkot lang ako lalo sa sarili ko dahil sa mga plano ko na hindi ko nagawa ng maayos. At itong thought, ngayon ko lang ito naisip. At dinadagdag nito ang bigat ng mga dalahin sa buhay.

Wala talaga ako magagawa sa nararadaman ko ngayon e. Ganoon talaga. Rito na lang muna ako at magpapalipas, umaasa na darating ang panahon na magiging okay muli ako, na hindi ko na masasabi ang linyang, "Akala ko okay ako." Kaso hindi na rin ako umaasa sa ngayon darating pa iyon. Iwan niyo na lang ako rito.

No comments:

Post a Comment