Friday, June 30, 2017

The Thesis Proposal Struggle

Me: "Tinatamad talaga ako. Huhuhu. Ayoko naaaa."

Also me: "Gawin mo na at ayusin yang mga thesis proposals mo para sa ikauunlad ng buhay mo. Ika nga ng friend mo, 'Prove to them that comeback is real.' Huwag mo na isipin na nakakatamad. Mahiya ka rin sa mga magulang mo, woi. Gumawa ka na lang diyan para maka-graduate na."

Past 11PM na.

At wala pa rin ako masyadong ginagawang proposals para sa consultation bukas.

May klase kami bukas sa aming thesis subject na Architectural Design 9. Kailangan makapagpa-consult sa aming thesis adviser dahil Sabado lang daw siya nasa school. Individual ang thesis na ito kaya kailangan maging tutok sa paggawa ng thesis proposals. Paunahan pa sa mga ideas. Huhu. Kapag may kamag-aral ka na kapareha mo ng idea, at siya ang nauna makapagpa-approve kesa sa'yo, nasa kanya na ang karapatan kung iyon na ba talaga yung gagawin niyang thesis project o hindi. Pwede kasi na magkaroon ka ng lagpas isang thesis proposal na na-approve ng mga prof.

Iba na rin ang kalakaran ngayon sa pagpapa-approve. Noon, may tinatawag kaming "Thesis Evaluation Committee" o mas kilala bilang "TEC". Sila ay kinabibilangan ng mga thesis advisers nung nakaraang taon. Sila ang taga-evaluate at taga-approve ng thesis proposals. Kailangan sa isang proposal, magkaroon ka ng dalawang approved mula sa tatlong TEC para magawa mo na yung thesis project mo na iyon. At kailangan dalawa o higit pa ang ma-approve na thesis proposals mo. Pang backup yung ibang approved kung sakaling nagkaroon ng problema roon sa pinursue mong approved thesis proposal (hal. ng isang problema: nag-groundbreaking na yung project. Bawal yung mga projects na nag-groundbreaking na bilang isang thesis proposal.)

Tapos simula ngayong taon, tinanggal na nila ang TEC. Bale sa limang prof ka na magpapa-approve -- Dean, thesis adviser, at tatlong random architecture professors ng kolehiyo. Kailangan maka-limang approval ka para mai-push mo ang isang thesis proposal mo. Pero kung hindi ka dumaan sa Research Methods for Architecture o RMA (isang subject ito tuwing 4th year college na kung saan ginagawa ang research para sa mga magiging thesis proposal) ni Dean nung nakaraang taon, ang mangyayari magpapa-approve ka ng thesis proposal sa thesis adviser mo at sa apat na random architecture professors. Pwede ka rin magpasa kay Dean ng thesis proposal mo total faculty pa rin naman siya ng kolehiyo.

At eto ako ngayon, imbes na gumagawa ng proposals o nag-aayos ng files para sa consultation bukas, nandito ako. Haha.

Ewan ko ba kung bakit tinatamad ako gumawa. Pramis. Sabi pa naman ng isang kaibigan ko, ito na ang comeback. Pero ewan. Tinatamaan talaga ako ng katamaran at hindi mapigilan maging masyadong bilib sa sarili na kaya gumawa ng proposal sa loob lang ng iilang oras. Ang pangit ng ganitong pag-iisip pero dahil sa katamaran, nagagawa ko. Huhu.

Tulong po!

Saturday, June 17, 2017

Ang Hamon

Isang araw ng thesis deliberation period para sa Design 9 (thesis) noong nakaraang taon bandang buwan ng Setyembre, habang kaming magkakaibigan ay nakatambay sa tapat ng Dean's Office, bumukas ang pinto ng Dean's Office at sumilip palabas ang Dean ng college namin. Napatigil kaming magkakaibigan sa pagkukwentuhan para batiin si Dean pero tinignan lang niya kaming magkakaibigan ng mabuti hanggang nagkita ang mga mata ni Dean sa mga mata ko.

"Oh, halika rito," sabi ni Dean na may kasamang pagkilos ng kamay papasok ng kanyang opisina.

Sumunod naman ako. Sinundan ko si Dean hanggang makarating doon sa may lamesa niya sa loob ng kanyang opisina. Umupo na si Dean sa kanyang upuan.

Akala ko uutusan niya ako. Hindi pala.

May chika si Dean.

Non-verbatim:

Dean: "Uy alam mo ba yung isang estudyante ko, ikakasal na."

Ako: "Ohhh? Talaga po?"

Dean: "Oo, tapos tignan mo itong wallpaper ng PC ko."

Ako: *tumingin sa wallpaper ng PC niya at medyo nagulat*

Dean: "Ang sarap-sarap ng hamon. Sana mag-Pasko na."

Ako: "Oo nga po ee. He he he." (hindi ko alam kung ano sasabihin ko sa mga oras na ito huhu pero hindi ko talaga aakalain na hamon ang wallpaper sa kanyang PC)

Dean: "Osya. You may go na." *with matching kilos ng kamay palayo*

Thursday, June 15, 2017

Freshie Days

2011. First semester. Section 1-3 days.

Kakatapos lang ng klase namin sa Graphics 1 na subject. Kanya-kanyang ligpit ng gamit pang-arki para makakain na rin ng lunch bago pumunta sa susunod na subject sa kabilang gusali. Nung kakalabas lang namin ng aming kwarto, may napansin kaming mga higher year na gumagawa ng kanilang plate para sa isang subject.

Napatigil kami sa aming paglalakad nang mapansin ang mga detalye ng mga gawa nila. Ang daming specifications at dimensions na nakalagay. Yung tipong parang totoong plano na talaga yung ginagawa nila para sa isang totoong proyekto.

Hindi namin mapigilan ang aming pagkamangha sa kanila. Sabi namin sa higher years, "Wow ang galing niyo naman po."

"Hala hindi naman," sabi ng isang ate na higher year na ngumiti sa amin. Medyo mukha na rin siya nagmamadali sa mga oras na iyon. Pasahan ata ng plate nila.

Umalis kami roon na may dalang pagkamangha sa mundo ng arkitektura.

Makalipas ang dalawang taon, nalaman na lang namin na "Building Technology" pala ang pangalan ng subject na iyon.

At kaya pala dapat hindi kami mamangha sa oras na iyon ay dahil binakat lang pala o kinopya ng higher years yung plate nila mula sa iba pang plate, o kaya roon sa sample plate na pinamahagi sa kanila noon sa subject na iyon.

Napagtanto na lang namin ito nung kami na rin mismo ganoon na rin ang ginagawa namin. Ha ha.

Wednesday, June 14, 2017

Buhay Blog

May mga pagkakataon na dumating na ayaw ko na talaga mag-blog. Yung tipong ayaw mo na magsulat ng entries para sa blog dahil pakiramdam mo, parang naghahanap lang ikaw ng atensyon (kahit hindi naman) at nakikihugot dahil nauuso (kahit hindi naman). Ayan kasi minsan yung nakikita o naririnig minsan mula sa society. At dahil overthinker ako minsan, hindi maiiwasan na maisip ang mga iyon. Takot din ako maging ganoon.

Pero dude, pake ba nila? Hahahahaha.

Isang rason din pala kung bakit minsan ayaw ko na mag-blog ay dahil nahihiya ako. Nahihiya ako na baka makita ito ng mga kamag-anak at kaibigan ko. Yung malalaman na lang nila na ganito pala ako. Hahahahaha. Nakakahiya. Hahahahahaha.

I enjoy the company of my own thoughts. Saka na lang magkwento. Haha.

May mga pagkakataon naman na gustong-gusto mo magsulat, pero wala ka maisulat, kahit alam mo na marami ka naman pwede isulat para sa blogs mo. Hello, writer's block. May times naman na meron talaga pwedeng maisulat pero wala lang talaga sa mood para magsulat. Huhu.

Pero kahit ano man ang mangyari, mukhang bumabalik pa rin yung kagustuhan makapag-blog muli. At mangingibabaw ito kesa sa kahihiyan. Dito rin minsan sumasaya at gumagaan ang pakiramdam dahil nailalabas ang mga naiisip. At saka, okay na rin yung pag-blog dahil you have something to look back to, diba?